Posibleng pagbabagong porma ng mga POGO, pinamo-monitor ng isang senador

Pinababantayan ni Senator Risa Hontiveros sa gobyerno ang posibleng pagbabagong anyo o porma na pwedeng gawin ng mga POGO para magpatuloy na mamayagpag ang mga iligal na gawain sa bansa.

Sa sponsorship speech ni Hontiveros sa committee report ng ginawang imbestigasyon ng Senado sa mga kasong kinasasangkutan ng mga POGO hubs, iginiit niyang sa kabila ng total ban sa mga POGO ay naiwan ang mga “evil elements” nito sa bansa.

Tinukoy ni Hontiveros na maaaring gamitin ng mga POGO ang mga special class BPOs, mga negosyo sa ilalim ng special economic zones, mga POGO na maaaring mag-operate sa casino o sa mga integrated resorts na lisensyado ng PAGCOR.


Ibinunyag ng mambabatas ang natanggap na report mula sa isang empleyado ng POGO na pinapalipat sila sa casino sa Parañaque at tulad sa POGO ay naka-dorm sila sa isang condominium sa Pasay.

Babala ni Hontiveros, hindi matatapos ang problema ng bansa sa mga scam operations at krimen ng POGO sa bansa kung hindi matututukan ang mga bagong bihis ng mga ito.

Facebook Comments