Preemptive evacuation sa mga lugar na apektado ng lindol sa Davao Oriental, ipinag-utos na ni PBBM; mga kaukulang ahensya, inalerto na rin

Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pagpapatupad ng preemptive evacuation at rescue operations matapos tumama ang malakas na lindol sa Davao Oriental ngayong umaga.

Ayon sa pangulo, nakatutok ang lahat sa sitwasyon at inatasan na niya ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Office of Civil Defense (OCD), Armed Forces, Coast Guard, at iba pang ahensya para koordinasyon ng paglilikas.

Handa na rin ang mga search, rescue, at relief teams para tumugon sa mga lugar na matindi ang pinsala.

Habang may naka-preposition na ring mga pagkain, tubig, at iba pang pangunahing pangangailangan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), at nakaantabay ang Department of Health (DOH) para magbigay ng agarang medikal na tulong.

Nanawagan naman ang pangulo sa publiko na manatiling alerto, kalmado, at makinig sa abiso ng mga lokal na opisyal.

Facebook Comments