Presyo ng bigas, inaasahang bababa pa sa ₱49 per kilo sa Marso

Inaasahang bababa sa ₱49 ang presyo ng kada kilo ng commercial rice pagdating ng Marso.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel na may paparating ng bagong stocks ng imported rice mula sa Vietnam, Myanmar at Cambodia.

Hiniling aniya ni Laurel sa mga ito na baka pwede namang ibaba pa nila sa resonableng presyo ang bigas.


Ipinaliwanag ni Laurel na lumang stocks pa ang ibinibenta ngayon sa mga palengke kaya itinakda nila sa maximum suggested retail price (SRP) na 55 pesos kada kilo ng bigas at pagdating ng February 15 ay babagsak pa ito sa 52 pesos kada kilo.

Pagdating ng Marso ay inaasahang makakabili na ng bagong stocks ang mga negosyante mula sa tatlong bansa kaya bababa pa ang presyo ng bigas.

Isa rin sa mga dahilan ay ang pagtugon ng mga trader at retailers sa panawagan ng gobyerno na bawasan ang kanilang sobrang kita, at ang pagbaba ng presyo ng bigas sa world market.

Facebook Comments