Thursday, May 21, 2026

Presyo ng petrolyo sa bansa, dapat agad sumunod sa pagbaba ng presyo nito sa world market

Iginiit ni House Committee on Energy member at Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin, Jr., na dapat agad magkaroon ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa, kasunod ng pagbaba ng pandaigdigang presyo nito.

Tinukoy ni Garbin, na ang Dubai crude oil, na isa sa mga pangunahing benchmark ng inaangkat na langis ng Pilipinas, ay bumagsak ng mahigit 18% sa loob lamang ng ilang araw, batay sa global market data.

Ayon kay Garbin, ang ganitong kalaking pagbaba sa global benchmark ay malinaw na indikasyon na may puwang na para sa rollback dahil hindi pwedeng mabilis ang taas ng presyo ng langis pero mabagal ang pagbaba.

Ipinunto ni Garbin na bagama’t may iba pang batayan sa pagpepresyo ng produktong petrolyo tulad ng exchange rate at presyo ng refined products ay hindi dapat ipagwalang-bahala ang malinaw na pagbaba sa pandaigdigang presyo ng krudo.

Bunsod nito ay nananawagan si Garbin sa Department of Energy (DOE) at sa mga kompanya ng langis na magsagawa ng transparent na pagsusuri sa kasalukuyang presyo at tiyaking agad na mararamdaman ng publiko ang anumang benepisyo mula sa pagbaba ng global oil prices.

Facebook Comments