Problema sa signaling system ng North-South Commuter Railway Project, pinatutugunan ni PBBM

Pinatutugunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) ang matagal nang nakatenggang problema sa broadband frequency para sa signaling system ng North-South Commuter Railway Project.

Sa Regional Development Council (RDC) meeting sa San Jose del Monte, Bulacan, inatasan ng Pangulo ang DOTr na makipag-dayalogo sa Smart Communications Inc. para sa broadband co-sharing partnership ng nasabing proyekto.

Mahalaga aniyang malutas ang problema sa broadband frequency para sa magandang operasyon ng proyekto at may magamit na broadband para sa commuter railway.

Ang NSCR project ay 147 kilometer mass transit system na mag-uugnay sa Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna at inaasahang makukumpleto sa susunod na taon.

Nasa 800,000 na mga pasahero ang makikinabang dito at inaasahang mababawasan ng dalawang oras ang travel time ng mga pasahero mula Pampanga hanggang Laguna.

Samantala, sinabi naman ni DOTr Secretary Vince Dizon na nakausap na niy na si Smart Chairman and CEO Manny Pangilinan at nagkasundong magkakaroon ng mabilis na solusyon sa usapin.

Facebook Comments