
Tiniyak ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin na sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa susunod na linggo ay hindi maapektuhan ang proseso kaugnay sa panukalang 2027 national budget kung saan nakapaloob ang pagtugon sa Super El Niño.
Diin ni Garin, on time ang mga nagawa ng Kongreso para sa mga nakahaing panukalang batas kasama ang national budget.
Paliwanag ni Garin, ang impeachment trial o impeachment complaint ay bagay na hindi nila ginusto at hindi ginusto ng Kongreso pero kailangan nila itong gampanan alinsunod sa atas ng Konstitusyon.
Sinigurado naman ni Garin na hindi nila papabayaan ang kanilang mga obligasyon sa taong bayan.
Punto ni Garin, hindi dapat huminto ang pagsusulong ng pananagutan ni Vice President Duterte habang patuloy ang mga ahensya ng gobyerno sa pagbuo ng planong tutugon sa epekto ng matinding tagtuyot alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa katunayan ay binanggit ni Garin na nagsimula ng maglatag ng hakbang ang pamahalaan para maproteksyunan ang suplay ng pagkain at tubig na susuporta sa ating mga magsasaka at titiyak na hindi maaantala ang pagkakaloob ng mga pangunahing serbisyo sa publiko.










