Public at private structures, ipinasasailalim sa regular na inspeksyon

Iminungkahi ni Senate President Chiz Escudero sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na magsagawa ng regular na inspeksyon sa mga pampubliko at pribadong imprastraktura.

Bunsod ito ng nasaksihang mapaminsalang impact ng malakas na lindol na tumama sa Myanmar at Thailand kung saan ilang matataas na gusali at imprastraktura ng tuluyang bumagsak.

Sinabi ni Escudero na makabubuting magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng mga public at private structures para masiguro ang integridad ng mga gusali at tulay sa bansa lalo na ang Pilipinas na matatagpuan sa Pacific Ring of Fire na madalas na nililindol.

Kailangan aniyang matiyak na mayroong regular na inspeksyon na ginagawa sa ating mga public infrastructures gayundin sa mga imprastraktura na itinayo ng pribadong sector tulad ng mga office at residential buildings na ilang dekada na mula nang itinayo.

Kaugnay dito ay mayroong tatlong panukalang batas ang nakabinbin pa sa Senado, ang Senate Bills 1181, 1467 at 1970 na layong i-update ang Building Code of the Philippines at ang Senate Bill 289 na inihain ni Escudero na layon namang palakasin ang National Building Code.

Facebook Comments