Pulis, arestado ng PNP-IMEG dahil sa pangingikil sa mga aplikanteng pulis

978

Nahuli sa tapat pa mismo ng Camp Crame sa Quezon City ang isang pulis na nangingikil sa mga aplikante sa pagkapulis.

Kinilala ni Integrity Monitoring Enforcement Group o IMEG Director Police BGen. Flynn Dongbo ang suspek na si Police Master Sgt. Edmund Olavanio.


Naaresto siya sa entrapment operation sa Col. Boni Serrano Ave, Brgy. Bagong Lipunan, Quezon City kagabi matapos maaktuhang tumanggap ng marked money sa nagrereklamo.

Batay sa mga reklamong natanggap ng IMEG, ginagamit ni Olavanio ang kaniyang pwesto sa Crime Laboratory Group para makapangikil.

Nanghihingi raw ito ng P6,000 para sa mga aplikante sa pagkapulis na gustong mapasama sa final list ng mga bagong pulis na manunumpa sa July 30, 2021.

Nasa kustodiya na ngayon ng IMEG ang pulis at mahaharap sa kasong kriminal at administratibo.



Sa ngayon, inaalam na ng IMEG kung sino ang mga kasabwat ng suspek nang sa ganun ay masibak silang lahat sa Philippine National Police (PNP).

Facebook Comments