Pulis, nagbaril sa sarili matapos barilin ang kaniyang live-in partner sa loob ng kanilang sasakyan sa Bulacan

1177

Patay ang isang call center recruiter matapos barilin ng kinakasamang pulis na kalaunan ay nagbaril din sa sarili sa loob ng kanilang sasakyan sa Bulacan.

Kinilala ang pulis na si Pol. Cpl. Cliton Paterno, 28, nakatalaga sa Police Community Precinct sa Brgy. Bangkal habang ang kinakasama niya ay kinilalang si Maria Isabel Ganelo, 27, parehong residente ng Brgy. Borol II, Balagtas.


Batay sa report ng Malolos Police, bandang alas-3:00 kaninang madaling araw napansin ng mga nagpapatrolyang mga barangay tanod na may nag-aaway sa loob ng isang puting Ford Ranger XLT na may conduction sticker C2R903 na nakaparada sa MacArthur Highway sa Brgy. Caniogan, Malolos.

Tumawag ng pulis ang mga barangay tanod at nang papalapit na ang mga otoridad ay nakarinig na sila ng sunod-sunod na putok sa loob ng sasakyan.

Dito na binuksan ang sasakyan at tumambad ang mga duguang biktima na agad isinugod sa Sacred Heart Hospital.

Ang babaeng biktima ay dead on arrival dahil sa tama ng bala sa ulo habang ang pulis na may tama ng bala sa sintido ay inilipat sa JBL Hospital sa San Fernando, Pampanga na binawian din ng buhay.



Nakuha sa loob ng sasakyan ang isang .9mm Glock 1; Colt US Magnum; .22 caliber revolvers at bullet casings.


Facebook Comments