
Ngayong usong-uso ang mga scam, pinatunayan ng isang pulis na mayroon paring honest at good samaritan.
Ito ay makaraang isauli ni Police Master Sergeant Rey Daniel Cablitas ng Southern Leyte Police Provincial Mobile Force Company ang ₱27,000 na maling naipadala sa kanyang Maya account.
Ayon kay Cablitas, nitong February 7, 2025, dakong alas-2:00 ng hapon nakatanggap siya ng money transfer notification.
Dahil hindi niya kilala ang nagpadala ng pera, naghintay ito ng ilang sandali at doon na siya kinontak ng gurong si Regine Pearl Templonuevo ng Southville IV Elementary School, Santa Rosa City, Laguna,
Dali-dali namang binalik ni PMSgt. Cablitas ang pera kung saan binigyan sya ng guro ng P1,000 bilang token of appreciation, pero hindi ito tinanggap ng nasabing police officer.
Kasunod nito, binigyang pagkilala ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil si PMSgt. Cablitas dahil sa kanyang kabutihan at pagiging tapat.
Sumasalamin aniya ito sa katangian ng mga alagad ng batas na mapagkakatiwalaan at tunay na lingkod bayan.