QC-LGU, magpapadala ng mobile testing unit para sa contact tracing sa Kamara; mga kawani sa batasan, nababahala na sa kanilang kalusugan

45

Magpapadala ng isang mobile testing unit ang lokal na pamahalaan ng Quezon City para sa agarang pagsasagawa ng contact tracing sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Kaugnay pa rin ito ng naitalang 98 COVID positive cases sa Mababang Kapulungan matapos ang isinagawang mass testing noong November 10 at ang ginawang late reporting dito ng Kamara.


Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, isang mobile testing unit ang idi-dispatch ng lungsod sa Batasan Complex para sa contact tracing upang ma-isolate agad ang mga posibleng carrier ng sakit.

Umaapela naman ang mga empleyado ng Kamara sa Department of Health (DOH) na agad ipag-utos ang pansamantalang pagsasara ng Batasan Complex bunsod na rin ng biglang pagtaas ng kaso at pangamba na rin sa kanilang kalusugan.

Ayon sa isang kawani na tumangging magpabanggit ng pangalan, kamakalawa lamang kinumpirma ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza na mayroong 98 confirmed cases na naitala noong November 10, ibig sabihin, mula November 10 hanggang November 30 ay walang ginawang contact tracing kaya naman malaki ang tiyansang nagkaroon pa ng hawahan.

Hindi umano malabong nakuha nga ang virus sa Kamara dahil may nauna nang 40 reported cases ang Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na sinasabing nakuha nila ang virus sa kanilang workplace.




Ang apela ng mga empleyado na isara ang Batasan Complex ay sa harap na rin ng pagmamatigas ni Mendoza na walang outbreak ng COVID-19 sa Kamara kaya hindi ikinukunsidera ang pagpapasara nito.

Facebook Comments