QC-LGU, pumalag sa alegasyon na pulitika ang dahilan kaya sinuspinde ang pagtataas ng real property tax

Quezon City – Pinalagan ng Quezon City LGU ang pahayag ni Representative Vincent Crisologo na may kaugnayan sa nalalapit na local elections ang dahilan kaya sinuspinde muna ang pagtataas ng real property tax.

Nilinaw ni Quezon City Councilor Victor Ferrer, na walang ipatutupad na pagtataas sa singilin para sa real property tax sa Quezon City.

Nauna rito, ibinunyag sa isang forum ni Quezon City Representative Vincent Crisologo na tuloy na ang 500 porsyentong tax hike sa lungsod matapos ibasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon ng isang homeowner’s association na kumukuwestyon dito.


Ayon kay Ferrer, may akda ng ordinansa na nagbibigay ng 20% discount sa real property tax, naghain na siya ng isang resolusyon sa konseho para suspindehin ang pagpapatupad nito kahit pa pinayagan na ng korte.

Giit ni Ferrer, walang pangangailangan para itaas ang singil sa real property tax dahil sapat aniya ang pondo ng lungsod para tustusan ang mga pangangailangan ng kanilang mamamayan.

Subalit bilang pagtalima sa kautusan ng Commission on Audit (COA) na dapat itaas ang real property tax tuwing 3 taon, sinabi ni Ferrer na gagawin nila itong pautay-utay sa 30% sa una at ikalawang balsada habang 40% naman sa ikatlo at huling balsada.

Facebook Comments