Rappler, nakapuntos sa Korte kaugnay ng kanilang mosyon na makapaghain ng kanilang Demurrer to Evidence para maibasura ang kasong cyberlibel

130

Pinagbigyan ng Manila Regional Trial Court branch 46 ang motion for leave of court to file demurrer to evidence na inihain ng online news site na Rappler at ni Maria Ressa sa kasong cyberlibel.

Sa kautusan ng korte na pirmado ni Judge Rainelda Estacio-Montesa, granted ang naturang mosyon ng Rappler at ng CEO nitong si Maria Resa.


Ayon sa Korte, may merito ang naturang mosyon ng Rappler.

Sa ilalim ng Motion for Leave of Court to File Demurrer to Evidence, papahintulutan ng Korte ang panig ng petitioner na makapaghain ng Demurrer to Evidence o mosyon na humihirit na maibasura ang kaso.

Binigyan ng Korte ang mga akusado ng 10-araw para magsumite ng kanilang Demurrer to Evidence.

Mayroon ding 10-araw ang panig ng prosekusyon para maghain ng kanilang komento sa isusumiteng Demurrer to Evidence ng Rappler.

Pagkatapos nito ay magiging Submitted for Resolution na ang kaso.

Nag-ugat ang kaso sa mga artikulong lumabas sa Rappler noong 2012 na isinulat ng dati nitong reporter na si Reynaldo Santos hinggil sa sinasabing pagpapahiram ng negosyanteng si Wilfredo Keng ng sasakyan nito kay dating Chief Justice Renato Corona noong panahon ng impeachment trial sa yumaong punong mahistrado.

Facebook Comments

From Advertisers