Wednesday, September 9, 2026

Red at Yellow Alert, itatas sa Visayas Grid mamayang hapon hanggang gabi

Itataas ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP ang Red Alert at Yellow Alert sa Visayas Grid ngayong Setyembre 2, 2026.

Ayon sa NGCP, ipatutupad ang Red Alert mula alas-3:00 hanggang alas-4:00 ng hapon at muli mula alas-5:00 hanggang alas-9:00 ng gabi.

Ang Yellow Alert ay umiiral mula ala-1 hanggang alas-3:00 ng hapon, alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon at alas-9:00 hanggang alas-10:00 ng gabi.

Batay sa ulat, apat na planta ng kuryente ang kasalukuyang naka-forced outage ngayong Setyembre.

Mayroon ding anim na planta na nananatiling naka-forced outage mula pa noong Agosto, habang may iba pang mga planta na hindi pa rin ganap na nakababalik sa operasyon mula sa mga nakaraang buwan.

Bukod dito, 16 na planta ang tumatakbo sa derated capacity, dahilan upang umabot sa 774 megawatts ang kabuuang hindi maipapasok na suplay sa grid.

Ayon sa NGCP, pangunahing dahilan ng pagdeklara ng Red at Yellow Alert ang hindi operasyon ng malalaking coal-fired power plant na TVI 1 at PEDC 3, gayundin ang limitadong suplay ng kuryenteng inaangkat mula sa Mindanao.

Ang Red Alert ay nangangahulugang kulang ang suplay ng kuryente upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at ng transmission grid habang ang Yellow Alert ay indikasyon na manipis ang reserbang suplay at maaaring makaapekto kung may biglaang pagkawala ng isa pang planta.

Facebook Comments