Registration ng Pilipinas Babangon Muli bilang regional political party at party-list, pinakakansela sa COMELEC

Naghain ng petisyon sa Commission on Elections (COMELEC) ang dating myembro ng Pilipinas Babangon Muli para ipakansela ang registration nito bilang regional political party at party-list.

Sa petition na inihain ni Atty. Jess Christian Ramirez, hiningi niya sa COMELEC ang agarang aksyon at huwag payagan na makasali sa 2025 Midterm election ang PBBM na pinangungunahan ng mga nominees na sina Ma. Cecilia Badajos, Thomas Benedict Baluga, Karen Acosta, Elena Badajos, Iana Alexis Badajos Garcia, Francis Carl Acosta at Jerald Acosta Dao.

Giit ni Atty. Ramirez, maraming paglabag ang PBBM sa party-list law kung kaya’t dapat kanselahin ang registration nito.

Kabilang sa mga tinukoy na paglabag ng PBBM Party-list ay ng maghain ito ng aplikasyon bilang regional political party sa CALABARZON gayong ang mga nominado ay hindi naman residente ng Region 4A.

Hindi rin aniya ang mga nabanggit na pangalan ang nakarehistro sa COMELEC ng maghain ang PBBM ng aplikasyon.

Sa kanilang registration, inihayag ng political party na ang kanilang principal headquarters ay nasa Taal Batangas subalit ang mga nominado ay galing ng Abra Province, Cagayan de Oro at iba pang lugar.

Facebook Comments