
Cauayan City – Magiging sentro ng kampanya ng Department of Health (DOH) ang Rehiyon 2, partikular ang Lambak ng Cagayan, bilang pangunahing lugar ng kanilang kampanyang “Biyaheng Kalusugan” ngayong taon.
Layon ng inisyatibo na itaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa kaligtasan sa kalsada, kasabay ng pagdiriwang ng Road Safety Month ngayong Mayo.
Ayon kay Paulene Atal, pinuno ng Health Promotion Unit ng DOH Cagayan Valley Center for Health Development, pinili ang rehiyon matapos itong manguna sa tala ng road traffic incidents sa buong bansa.
Mula Enero ngayong taon, nakapagtala na ng 760 insidente sa rehiyon, kung saan labindalawa ang nasawi at mahigit 70% ng mga kasong ito ay kinasangkutan ng mga motorsiklo.
Gaganapin rin ang Road Safety Summit na lalahukan ng iba’t-ibang stakeholders gaya ng mga ahensya ng pamahalaan, NGOs, local riding groups, at iba pang sektor na naglalayong makabuo ng komprehensibong action plan upang mapababa ang bilang ng mga insidente sa lansangan sa rehiyon.
Katuwang ng DOH sa aktibidad ang Provincial Health Office na patuloy sa pagbibigay ng iba’t-ibang serbisyong medikal sa mga nangangailangan.