Tuesday, April 21, 2026

Relief order vs Dir. Fernandez, inaasahang lalabas ngayong linggo — Remulla

Sumulat na si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa Office of the President, na siyang appointing authority, upang hilingin ang pagpapalabas ng relief order laban kay Bureau of Fire Protection (BFP) Chief Fire Director Jesus Fernandez.

Ayon kay Remulla, inaasahang makukuha ngayong linggo ang naturang kautusan.

Sinabi ng kalihim na magpapatuloy ang mga kasong kinakaharap ni Fernandez kahit pa siya ay magretiro sa serbisyo.

Binigyang-diin ni Remulla na ang retirement ay hindi nagsisilbing proteksyon laban sa mga alegasyon, at maaari ring maapektuhan ang retirement benefits ni Fernandez.

Samantala, ibinunyag ni Remulla na nagsasagawa na ang kagawaran ng panel interview para sa susunod na mamumuno sa BFP, kung saan dalawang opisyal ang kasalukuyang kinokonsidera na may potensyal na maging bagong BFP chief.

Aniya, sinusuri sa naturang proseso ang financial records at performance records ng mga kandidato upang matukoy kung sino ang pinakaangkop na humalili sa pamunuan ng ahensya.

Matatandaang pormal nang inireklamo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman si Fernandez kaugnay sa pagtanggap umano nito ng mahigit P14-M kickback sa pagbili ng mga ambulansya noong 2024.

Facebook Comments