
Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang religious church sa Baras, Rizal ito ay kasunod ng isang entrapment operation na isinagawa ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) kahapon.
Iniutos ng DMW ang pagpapasara sa Faithful Promise Foundation Philippines Inc., sa Baras, Rizal dahil sa ilegal na pag-re-recruit nito ng mga manggagawa na ipadadala Japan, Korea, at Papua new guinea at walang lisensiya mula sa DMW.
Inaresto ng mga operatiba ang pastora na nag-re-recruit ng mga manggagawa at nangako ng mga trabaho tulad ng factory worker, tea pickers, clerk, accountant, mechanical engineers, at construction worker papuntang Japan, Korea, at Papua New Guinea at may suweldong mula 36,000 hanggang 120,000 pesos.
Para makaalis ng bansa, magpapanggap na misyonero ang mga biktima ng illegal recruitment, na bibigyan ng tourist visa at sasabihin sa Immigration na sila ay mga misyonero.
Paalala ng DMW sa publiko na makipag-ugnayan agad sa kanilang tanggapan upang ipasuri kung ang recruitment agency ay lehitimo.