Rep. Kiko Barzaga, inirekomendang matanggal bilang reservist

Inirekomenda ng Army Reserve Command na alisin na sa listahan ng military reservists si Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga.

Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, ito’y matapos ang imbestigasyon hinggil sa mga social media posts ng kongresista na umano’y humihikayat sa mga unipormado na kumilos laban sa pamahalaan.

Partikular na tinukoy ang mensahe ni Barzaga na nananawagan sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na sumama sa rally noong Setyembre 21.

Giit ni Dema-ala, mahigpit na ipinagbabawal sa isang aktibong reservist ang makilahok sa rally o gamitin ang pangalan at imahe ng Sandatahang Lakas para sa pansarili o pampulitikang agenda.

Nakasaad aniya ito sa GHQ Standard Operating Procedure No. 07 na nilabag ng kongresista.

Isa sa mga parusa rito ang “delisting,” na ngayon ay posibleng kaharapin ni Barzaga na bagong enlist lamang nitong Enero 2025.

Facebook Comments