
Sa pananaw ni Terry Ridon, chairman ng House Committee on Public Accounts at kinatawan ng Bicol Saro Party-list, posibleng may conflict of interest sa dalawang miyembro ng legal team ni Sara Duterte dahil sila rin ay maaaring maging testigo sa impeachment proceedings.
Ang tinutukoy ni Ridon ay sina Michael Poa at Reynold Munsayac na kapwa umano may direktang kaugnayan sa mga isyu hinggil sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ayon kay Ridon, ang presensya ng dalawang potential witnesses sa legal team ni Duterte ay maaaring magdulot ng ethical at procedural questions.
Binanggit din ni Ridon na si Poa ay dating tagapagsalita ng DepEd noong si Duterte pa ang kalihim ng ahensya.
Samantala, sinabi ni Ridon na si Munsayac ay hinihinalang may mahalagang nalalaman sa imbestigasyon sa confidential funds dahil bukod sa pagiging dating tagapagsalita ng OVP ay nagsilbi rin itong DepEd Assistant Secretary for Procurement.
Paliwanag ni Ridon, sa legal proceedings ay kadalasang inoobliga ang mga abogado na mag-withdraw bilang kinatawan ng kliyente kung sila ay magiging material witnesses, upang maiwasan ang posibleng conflict sa pagitan ng kanilang adbokasiya at testimonya.










