
Aminado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pa agad maisasagawa ang pagpapauwi sa mga Pilipinong apektado ng kaguluhan sa Middle East dahil sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon sa Pangulo, hindi pa ligtas ang paglipad dahil sa pagsasara ng ilang paliparan. Delikado rin aniya ang pagbiyahe sa lupa dahil maaaring mapagkamalang target ng mga naglalabang puwersa ang mga convoy ng sasakyan.
Batay sa datos ng gobyerno, nasa 1,416 na Pilipino mula sa Israel, Jordan, Bahrain, Dubai, at Abu Dhabi ang humiling ng tulong para makauwi ng Pilipinas.
Kabilang dito ang mga Overseas Filipino Worker na tapos na ang kontrata at mga residenteng nasa danger areas ngunit hindi makaalis dahil sa kanseladong flights at saradong airspace.
Habang wala pang ligtas na ruta pauwi, pinayuhan ng pangulo ang mga Pilipino sa mga apektadong lugar na manatili muna sa ligtas na lugar, umiwas sa sentro ng kaguluhan, at sundin ang mga abiso ng lokal na awtoridad.
Sinabi rin niya na nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa ilang hotel, kabilang ang mga malapit sa mga bomb shelter sa Israel, upang may matuluyan ang mga Pilipino at may masisilungan sakaling tumunog ang air raid alarm.










