Resolusyon na nagpapa-adopt para sa pinabilis na impeachment proceedings, inihain sa Senado

Inihain ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa Senado ang resolusyon na nagpapa-adopt para sa mas maikling timeline ng impeachment proceedings kay Vice President Sara Duterte.

Sa Senate Resolution 1367 ay ipinadaraos ni Tolentino sa loob ng 19 na araw ang impeachment trial o mula June 11 hanggang June 30.

Sa June 30 ay dapat may hatol na ibababa ang impeachment court.

Sa nabanggit din kasing petsa ang hudyat ng pagsasara ng ika-19 na Kongreso at pagtatapos ng termino ng mga ga-graduate na mambabatas sa parehong Senado at sa panig ng mga kongresista na tatayong prosekusyon.

Iginiit ni Tolentino na sa ganitong impeachment calendar ay maiiwasan nila ang Constitutional issue ukol sa pagtawid ng paglilitis sa 20th Congress.

Kung si Senate President Chiz Escudero naman ang tatanungin, maaaring tumawid ang impeachment trial sa susunod na Kongreso batay sa Konstitusyon at sa impeachment proceedings ng Estados Unidos na siyang pinaggayahan ng impeachment process ng Pilipinas.

Facebook Comments