
Hihiling sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mapalawig pa ang panahon para sumagot sila sa mga reklamong kinakaharap sa Office of the Ombudsman.
Ito ay kaugnay sa naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong March 11 sa bisa ng arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Sa ambush interview, sinabi ng kalihim na nagkasundo sila ng iba pang mga inirereklamo na pag-isahin na lamang ang nilalaman ng magiging sagot pero magkakahiwalay pa rin silang maghahain ng kontra salaysay.
Inireklamo sa Ombudsman ni Senadora Imee Marcos sina Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla, Interior Secretary Jonvic Remulla, Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Nicholas Torre III, at Special Envoy ng Transnational Crime Markus Lacanilao matapos ang serye ng pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations sa naging proseso ng pag-aresto sa dating pangulo.
Nahaharap sila sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Arbitrary Detention, Usurpation of Judicial Functions, Grave Misconduct, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Public Service.