
Cauayan City – Sinisiguro ng National Irrigation Administration Region 2 (NIA R02) na mayroong sapat na suplay ng patubig para sa 2nd Dry Cropping Season ngayong 2025 sa buong lambak ng Cagayan.
Ayon kay Engr. Raymundo Apil, Regional Manager ng NIA R02, nananatiling mataas ang lebel ng tubig sa Magat Dam kaya naman tiyak na sapat ito upang punan ang pangangailangan ng tubig sa mga sakahan.
Aminado si Engr. Apil na mayroon paring mga lugar sa Rehiyon na hindi naaabot ng regular na patubig na kung tawagin ay rain-fed farms o ang mga bukirin na tanging tubig-ulan lamang ang inaasahan.
Dahil dito, isinusulong ng pamunuan ng NIA ang mga solar pump irrigation projects, proyekto na naglalayong matugunan ang kaukulangan sa patubig sa pamamagitan ng paggamit ng tubig mula sa ilalim ng lupa.
Samantala, patuloy na Inaanyayahan ang mga magsasaka na nangangailangan ng patubig na lumapit lamang sa pinakamalapit na opisina ng NIA upang sila ay matulungan.