SAWI | Lalaking desperado umano sa buhay, patay matapos tumalon sa ginagawang gusali sa Maynila

Manila, Philippines – Patay ang isang 41-anyos na lalaki matapos na umakyat saka tumalon sa ginagawang gusali sa 2653 Rizal Avenue, Blumentritt, Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay Homicide Investigator Jonathan Bautista, una ang ulo ng biktimang si Rommel Tabuc, nang bumagsak sa semento kaninang alas-7:30 ng umaga.

Naisugod pa sa Tondo General Hospital si Tabuc ngunit matapos ang ilang oras na gamutan ay dineklarang wala ng buhay alas-9:20 ng mga doctor sa ospital.


Sa imbestigasyon, desperado na umano ang biktima dahil sa kanyang nararamdamang sakit at naaawa na rin sa kanyang mga anak.

Kahapon ay nagpaalam na umano ang biktima sa misis na si Angelica na magpapakamatay ngunit hindi pinansin ng live in partner nito sa pag-aakalang nagbibiro lamang.

Alas-5:00 ng madaling-araw kanina, nagising si Tabuc, na pitong araw na umanong umiinom ng alak na gin, at dumaraing ng pananakit ng tiyan.

Isang mekanikong tsuper na kaibigan ni Tabuc ang nag-abot sa kanya ng P50 na pambili ng kape para sa kanilang dalawa.

Ilang minuto na ang nakalilipas ay wala pa si Tabuc at mayamaya ay narinig sila ng lagabog mula sa isang lumang gusali at duon nakita ang nakahandusay na katawan ng biktima.

Dinala sa ospital ng kanyang kaanak si Tabuc ngunit hindi na nailigtas ng mga doctor.

Facebook Comments