
Isa pang mosyon ang inihain sa Korte Suprema para naman hilingin na mapabalik na sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihain ng Panelo Law Office ang ikalawang urgent motion to resolve para sa petitioner na anak ng dating pangulo na si Kitty Duterte.
Batay sa petisyon, ipinadedeklara din nila sa Kataas-taasang Hukuman na labag sa Saligang Batas ang pag-aresto at pagpapadala kay Duterte sa The Hague, Netherlands at ang pananatili nito sa kustodiya ng International Criminal Court.
Ayon sa petitioners, mahigit isang taon na mula nang inihain ang mga unang petisyon pero wala pa rin ditong tugon ang Korte Suprema.
Nakasaad din sa mosyon ang Senate Resolution No. 44 na layong mabigyan ng proteksyon ang lahat ng mga Pilipino mula sa posibleng pagpapadala sa mga foreign authorities gaya ng sinapit ng dating pangulo.
Sinabi pa sa petisyon na ang nangyari sa Senado kahapon na tangkang pag-aresto kay Senator Bato Dela Rosa ay patunay na dapat na itong aksyunan agad ng SC.
Maaari din aniyang mauwi sa constitutional crisis kung patuloy na maaantala ang paglalabas ng kanilang desisyon.










