Pinagtibay ng Dagupan City Police Office (DCPO) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) – Dagupan Branch ang kanilang koordinasyon upang higit na mapalakas ang seguridad ng mahahalagang pasilidad pinansyal at mapanatili ang kaayusan sa lungsod.
Isinagawa ang coordination meeting sa tanggapan ng BSP sa Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City, sa pangunguna ni DCPO City Director Police Colonel Arnold P. Solomon at sa pagtanggap naman ni BSP Dagupan Branch Area Director Ofelia A. Viray.
Pangunahing tinalakay sa pagpupulong ang pagtutugma ng mga protocol sa seguridad, pagpapalakas ng mga hakbang sa pagprotekta sa mahahalagang pasilidad pinansyal, at pagtatatag ng mas mabilis na mekanismo ng pagtugon sa pagitan ng pulisya at ng BSP.
Ayon kay Solomon, mahalaga ang maagap na pakikipag-ugnayan sa mga institusyong may mahalagang papel sa ekonomiya upang makatulong sa pag-iwas sa krimen at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Dagupan City.
Nagpasalamat naman si Viray sa patuloy na suporta ng DCPO sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga tauhan at operasyon ng BSP.
Tiniyak ng DCPO na magpapatuloy ang pakikipagtulungan nito sa mga institusyon at iba pang sektor ng komunidad upang mapalakas ang seguridad at mapanatiling ligtas at mapayapa ang lungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










