Sekyu na Bumangga sa Aso, Nagulungan ng Truck Patay

41

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang security guard matapos bumangga sa tumawid na aso at magulungan pa ng trailer truck sa pambansang lansangan sa Zone 6, Brgy. Tupang, Alcala, Cagayan.


Kinilala ang biktima na si Joeven Macaraeg, 39 taong gulang, may-asawa, at residente ng Nangalisan, Solana, Cagayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng PNP Alcala, bumabaybay ang biktima sa lansangan lulan ang minamanehong motorsiklo at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay aksidente nitong nabangga ang tumatawid na aso na dahilan ng kanyang pagsemplang at pumailalim at nagulungan ng trailer truck.

Nakarinig ng malakas na tunog ang isang residente sa lugar na kinilalang si Romnick Battad kaya’t agad na lumabas sa kanyang bahay upang berepikahin ang narinig hanggang sa nakita ang isang nakahintong truck.

Umatras ang Truck at nakita umano ni Battad ang nakahandusay na katawan ng biktima kasama ang motorsiklo nito.

Nagpatuloy umano sa byahe ang truck patungong north direction at naiwan ang duguang biktima.

Isinugod sa ospital ang biktima subalit idineklara din na dead on arrival (DOA) ng attending physician dahil sa natamong matinding pinsala sa ulo.




Pinaghahanap na ngayon ng mga otoridad ang tumakas na drayber ng trailer truck.

Facebook Comments