
Nanindigan si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi niya sasagutin ang mga tawag mula sa International Criminal Court (ICC) sa gitna ng pagpipilit ng International Tribunal na imbestigahan ang madugong “war on drugs” ng dating Duterte administration.
Ayon kay Dela Rosa, ang pagsagot sa tawag ng ICC ay katumbas ng pagkilala na may hurisdiksyon sila sa bansa.
Giit ng senador, walang pakialam ang ICC sa bansa kaya tigilan na sana ang pagpupumilit na manghimasok sa bansa dahil gumagana naman ang ating hustisya.
Ipinunto pa ni Dela Rosa na malinaw na epektibo na ang withdrawal ng Pilipinas sa ICC nang gawin nila ang paghingi ng permiso na magsagawa ng imbestigasyon sa bansa.
Aniya pa, kung sakaling ipilit ng ICC ang pagpasok sa bansa, dudulog siya sa Supreme Court para humingi ng judicial relief kung talaga bang may hurisdiksyon sa bansa ang ICC.