Sunday, June 14, 2026

Sen. Estrada, nagpiyansa matapos maglabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan 2nd Division

Nakapagpiyansa na si Senador Jinggoy Estrada ng ₱90,000 kaugnay ng kasong graft sa Sandiganbayan 2nd Division na may kaugnayan sa umano’y flood control kickback scheme.

Sinamahan siya ng kaniyang misis at mga anak na sina Janella at Julienne Estrada.

Nagkaroon naman ng komosyon at gitgitan sa pagitan ng kampo ni Estrada at ilang miyembro ng media habang paakyat sila ng elevator.

Bago ito, nabigo ang kampo ng senador na pigilan ang paglalabas ng arrest warrant sa pamamagitan ng paghahain ng urgent motion to withdraw sa 2nd at 5th Division upang makapaglagak ng piyansa.

Ayon kay Atty. Noel Ostrea, pinagkaitan umano sila ng tamang proseso sa kanilang urgent motion. Aniya, hanggang ngayon ay hindi pa nila natatanggap ang kopya ng resolusyon ng Ombudsman at Department of Justice na nagsampa ng dalawang kasong graft at isang kasong plunder laban kay Estrada.

Giit ng abogado, paano sila makapaghahain ng tamang mosyon kung hindi malinaw ang batayan ng mga paratang.

Sa isang pahayag, sinabi ni Estrada na ang paglagak ng piyansa ay isang legal na remedyo upang maipagtanggol ang kaniyang sarili, at umaasa siyang mabibigyan ng patas na pagdinig ang kaniyang kaso.

Dumating din sa Sandiganbayan si dating Department Of Public Works And Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan upang magpiyansa bilang co-accused sa kaso. May escort pa siya mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Sa ngayon, nananatili pa rin sa loob ng Sandiganbayan si Estrada, dahilan para magtaka ang media kung bakit hindi pa siya lumalabas, habang umuugong din ang spekulasyon kung may kaugnayan ito sa posibleng warrant mula sa 5th Division para sa hiwalay na plunder case.

Facebook Comments