Friday, April 10, 2026

Sen. Jinggoy, humihirit sa Sandiganbayan na payagan siyang makabiyahe sa labas ng bansa

Hiniling ni Senator Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan Fifth Division na payagan siyang makalabas ng bansa para sa isang personal na biyahe.

Ito’y sa kabila ng umiiral na Precautionary Hold Departure Order (PHDO) na inilabas ng isang korte sa Maynila laban sa senador.

Dumalo si Estrada sa pagdinig kung saan iniharap ng kanyang kampo ang mosyon upang payagan siyang bumiyahe sa Hong Kong, Macau at Japan.

Ayon sa kanyang mga abogado, inilipat ang schedule ng biyahe mula Marso 30 hanggang Abril 5, sa halip na Marso 31 hanggang Abril 5, na tatapat sa panahon ng Semana Santa.

Sinabi naman ni Zaldy Trespeses, chairperson ng Fifth Division ng Sandiganbayan, na nakakasunod naman si Estrada sa mga kondisyon ng korte.

Gayunman, sinabi ng kampo ng senador na hindi pa nila naipapasa ang kopya ng plane tickets, hotel bookings at iba pang dokumento, at humiling na makapagsumite ng mga ito sa Biyernes.

Kinuwestiyon naman ng prosekusyon ang mosyon dahil sa umiiral na PHDO na inilabas ng Manila Regional Trial Court.

Ayon sa Sandiganbayan justice, hindi umano nila batid ang nasabing PHDO at maaaring makaapekto ito sa planong pagbiyahe ng senador.

Sinabi naman ni Estrada na naghain na ang kanyang mga abogado ng mosyon upang ipawalang-bisa ang PHDO, at iginiit na ang Sandiganbayan ang may hurisdiksyon sa kanya, hindi ang Manila RTC.

Ang kaso ni Estrada sa Sandiganbayan ay may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng Priority Development Assistance Fund o PDAF.

Facebook Comments