
Isiniwalat ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na mayroong seryosong kondisyon sa baga si Senator Loren Legarda.
Ito ang pag-amin ni Zubiri nang matanong tungkol sa lagay ng senadora at ang kasalukuyang estado ng medical leave nito.
Ayon kay Zubiri, mayroong lung illness si Legarda na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.
Hindi naman masabi ng mambabatas kung may hiling pa si Legarda na palawigin ang kanyang medical leave pero gusto na ring umuwi ng senadora at tinatapos lamang ang kanyang mga tests.
Nakiusap si Zubiri sa publiko na bigyan ng kaunting konsiderasyon si Legarda na sa pagkakaalam din niya ay labas-pasok din sa ospital.
Matatandaang mula pa noong August 3 ay nagpaalam sa Mataas na Kapulungan si Legarda para sa kanyang medical leave bagama’t hindi nito sinasabi kung nasaang bansa at ospital siya naroon o kung ano ang kanyang karamdaman.
Nauna namang iginiit ni Legarda na ang kanyang pag-alis ng bansa ay walang kinalaman sa preliminary investigation ng Ombudsman sa kwestyunableng P10 billion solar power franchise.










