
Hinihimok ni Senator Risa Hontiveros si Pangulong Bongbong Marcos at ang mga senador partikular ang mga nag-withdraw ng kanilang lagda sa committee report ng kontrobersyal na Prevention of Adolescent Pregnancy Bill na pag-aralan ang substitute bill na kanyang inihain.
Ayon kay Hontiveros, kinuha na ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) sa Senado ang kopya ng bagong bersyon ng panukala at ito ay isinumite na kay Pangulong Marcos.
Kumpyansa si Hontiveros na kapag nabasa na ng pangulo ang orihinal at maging itong substitute bill ay tiyak na magiging malinaw at mabubura ang misrepresentation na ipinakalat ng ilang grupo laban sa panukala.
Kasabay nito ay hinikayat ng mambabatas ang mga senador na pag-aralan ang substitute bill dahil sa pagkakataong ito ay tinugunan niya ang lahat ng mga ibinatong isyu kahit pa ang mga ito ay batay lamang aniya sa fake news at kasinungalingan.
Naniniwala si Hontiveros na ang bagong bersyon ng bill na ito ang makapagpapaisa sa mga senador para matulungan ang mga Filipino adolescents sa itinuturing na national social emergency ng dumaraming kaso ng maagang pagbubuntis.