
Walang plano si Senator Risa Hontiveros na sumali sa “Duterte Bloc” na binubuo ng mga senador na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Senado, sinabi ni Hontiveros na kung sakaling ang Duterte Bloc ang mag-Minority ay option nilang maging independent bloc at dito ay ipagpapatuloy nila ang pagtiyak sa checks and balance sa gobyerno.
Para sa senadora, wala siyang planong sumali sa isang Duterte Bloc pero maaari naman silang magkaisa kung may common advocacies na isinusulong.
Gayunman, sa usapin aniya ng politikal at sa mga susunod na halalan ay mahalagang mapanatili at mapalawak ang oposisyon.
Sa pagpasok ng 20th Congress, nasa tatlo pa lang ang inaasahang bubuo sa oposisyon, sina Hontiveros at ang mga nagbabalik na sina Senators-elect Bam Aquino at Kiko Pangilinan.
Samantala, ang Duterte Bloc naman na sinasabing tatayong oposisyon din sa Mataas na Kapulungan ay mayroong limang mga senador at posibleng ito’y madagdagan pa.