Senado, hindi magpapaapekto sa sinumang partisano tungkol sa impeachment case ni VP Sara Duterte

Nagmatigas si Senate President Chiz Escudero na hindi siya magpapaapekto sa sinumang partisano na magpupumilit na gawin na nila ang impeachment trial gayong naka-recess ang sesyon.

Ito’y matapos makatanggap ng pressure ang Senate President para magdaos na ng special session para maumpisahan na ang impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte.

Ayon kay Escudero, batid niyang sina House Assistant Majority Leader Angelo “Jil” Bongalon at Atty. Howard Calleja ay parehong gustong matanggal na sa pwesto si VP Duterte, ibig sabihin, kapwa partisano ang dalawa.

Punto pa ni Escudero, bakit niya pakikinggan at magpapaapekto sa mga ito gayong dapat sila sa Senado ay maging patas sa lahat ng pagkakataon.

Muling tinukoy ng Senate leader ang mga impeachment case nina dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona at dating Ombudsman Merceditas Gutierrez na higit isang buwan ang lumipas bago naumpisahan ng impeachment court ang paglilitis pero wala namang nagreklamo.

Binigyang-diin pa ni Escudero na dapat kung ano ang pagtrato sa mga nakaraang impeachment ay dapat iyon din ang sundin na proseso sa impeachment case ni Duterte.

 

Facebook Comments