
Nakikiisa si Senate President Chiz Escudero sa panalangin at pasasalamat ng 1.4 bilyong Katoliko sa buong mundo para sa pagkakapili ng bagong Santo Papa na si Cardinal Robert Francis Prevost o si Pope Leo XIV.
Sinabi ni Escudero na ang makasaysayang pag-akyat ni Cardinal Prevost bilang ika-267 na Santo Papa ay hudyat ng bagong yugto sa Simbahang Katolika, at isa itong simbolo ng pag-asa para sa lahat ng mga Kristiyano.
Aniya, bilang ang Pilipinas na nag-iisang bansang Kristiyano sa Asya, ipinapanalangin niya ang kabanalan ni Pope Leo XIV ay maging inspirasyon at gabay sa atin habang humaharap tayo sa mga hamon bilang isang bansa.
Dagdag pa ni Escudero, hindi lamang liwanag ng pag-asa ang bagong Santo Papa sa mga Kristiyano kundi sa buong sangkatauhan habang itinataguyod natin ang mundo kung saan namamayani ang kapayapaan, kabutihan, at pagkakaisa.
Hangad aniya ng buong Senado ang tagumpay ni Pope Leo XIV bilang pastol ng mga mananampalataya at bilang statesman ng Vatican.