
Iginiit ni Senate President Chiz Escudero na hindi kasalanan ng Senado kung hindi pa nakapagkakasa ng pulong ang bicameral conference committee para sa panukalang dagdag na sahod.
Ayon kay Escudero, hindi pa nila natatanggap ang kopya ng wage hike bill ng Kamara kung saan pinadadagdagan ng P200 ang arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Sinita rin ng Senate President ang Kamara dahil pagtitibayin palang nila ang naturang panukala pero hindi man lang ito nabanggit noong nagsagawa sila ng LEDAC meeting.
Wala aniya sa LEDAC priority bills ang panukala kaya’t nanghihinayang ang senador dahil kung nabanggit lamang ito ay maihahabol sana nila kaagad sa mga nakalipas na sesyon.
Hindi rin masabi ng senador ang tsansa kung maia-adopt ba ng Mataas na Kapulungan ang bersyon ng Kamara o paano sila magkokompromiso at magkakasundo sa halaga gayong hindi pa nila nababasa ang nilalaman ng P200 wage hike bill.