Senador, nakiusap kay PBBM na gamitin ang executive power nito para harangin ang pag-aresto kay FPRRD

Nanawagan si Senator Robinhood Padilla kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., na gamitin nito ang kanyang executive power para harangin ang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa Facebook post ni Padilla, umapela at nakiusap ang senador kay Pangulong Marcos na gamitin nito ang kanyang kapangyarihan para ipatigil ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) partikular sa pagsunod sa foreign entity na nagmamaliit sa ating batas at lumalabag sa ating soberenya.

Sinabi ni Padilla na ang kapalaran ng bansa ay nakasalalay sa mga kamay ni Pangulong Marcos.

Ipinaalala ng mambabatas na noong mga panahon na walang nanindigan para kay Marcos ay kabilang ang kanyang grupo na sumuporta at nagprotekta sa pangulo.

Ikinukonsidera rin nila ang kanilang mga sarili na kaibigan at loyal supporters ng mga Marcos dahil naniniwala silang dinukot noon si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at dinala sa ibang bansa na labag sa kanyang loob at pagsuway sa ating domestic laws.

Hinimok pa ni Padilla si PBBM na ikunsidera ang sentimyento ng mamamayan sabay giit na mahalaga ngayon ang pagkakaisa sa mga Pilipino lalo’t nasa yugto tayo ng geopolitical conflict at trade wars.

Facebook Comments