Senador, pinamamadali ang pagresponde at safety audit sa mga biktima ng lindol sa Davao Oriental

Pinamamadali ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagresponde at ang pagsasagawa ng safety audit sa Davao Oriental matapos ang magnitude 7.5 na lindol kaninang umaga.

Nanawagan si Gatchalian sa NDRRMC, local disaster councils at sa mga first responders na bilisan ang pagtugon sa mga biktima ng lindol at tiyakin ang agarang pagliligtas at pagsasagawa ng relief operations.

Pinakikilos din kaagad ang mga kaukulang ahensiya na magsagawa ng safety inspections sa mga ospital, paaralan at mga lugar na malaki ang bilang ng populasyon.

Hiniling din ng senador sa mga paaralan at mga lokal na pamahalaan na magbigay ng psychosocial support para matulungan ang mga mag-aaral na nakaranas ng takot at trauma kasunod ng report na maraming mga estudyante ang nakaranas ng pagkahilo dahil sa lindol.

Nanawagan din si Gatchalian na ibuhos ang suporta ngayon sa Davao Oriental at sa mga probinsyang apektado ng mga nagdaang lindol tulad ng Cebu, La Union at Baguio.

Facebook Comments