
Ilang mga senador ang nakiusap kay Senate President pro-tempore Ping Lacson na manatili muna itong Chairman ng Blue Ribbon Committee.
Sa kabila ng pagbibitiw ni Lacson bilang Chairman ng Blue Ribbon, umapela si Senator Kiko Pangilinan sa mga kasamahang senador na pagtibayin ang suporta kay Lacson bilang Chairman ng makapangyarihang komite habang inaayos ang hindi pagkakasundo.
Umaasa si Pangilinan na sa pamamagitan ng pagpapahayag nila ng suporta kay Lacson ay makukumbinsi ito na manatiling Chairman ng Blue Ribbon.
Bukod dito, nagkalinawan naman ang mga myembro ng mayorya at si Lacson tungkol sa budget insertions sa 2025 national budget at wala rin sa bloke ng mayorya ang humiling na palitan na si Lacson.
Matatandaang ilang senador ang pumalag matapos sabihin ni Lacson na aabot sa P100 billion ang insertions ng mga senador sa 2025 national budget.
Samantala, kabilang naman si Pangilinan sa limang mga senador na ikinukunsidera ni Senate President Tito Sotto na ipalit kay Lacson na bagong Chairman ng Blue Ribbon Committee.









