
Wala pa ring natatanggap na compliance ang Senate impeachment court mula sa Kamara matapos na ibalik ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, wala pa silang opisyal na natatanggap mula sa Kamara ng tugon sa order ng impeachment court at wala pa ring sagot sa summons mula kay Vice President Sara Duterte.
Puna ni Escudero, panay social media na post lamang ang kanyang nababasa tungkol dito pero wala pang pormal na pleadings na isinusumite sa kanila.
Giit ni Escudero na presiding officer ng impeachment court, ang lahat ng komunikasyon ngayon, ito man ay sa prosekusyon, nasasakdal at impeachment court ay idadaan lahat sa pamamagitan ng pleadings.
Paliwanag ng senador, ang attestation para sa unang order nila sa Kamara na hindi lumabag sa one-year ban rule ay dapat na maisumite hanggang June 30 dahil ang reklamo ay nagmula sa 19th Congress.
Kung di naman tutupad ang 19th Congress ay hahayaan ng impeachment court na 20th Congress ang tumugon o maghain ng attestation at magsumite ng resolusyon kung itutuloy pa ba o hindi ang impeachment.