Senate Minority Leader Koko Pimentel, iginiit ang karapatan sa paggamit niya ng partidong PDP-Laban

Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi pa naman siya nasisipa ng tuluyan sa partidong PDP-Laban.

Ito’y matapos sitahin ng paksyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ni Pimentel sa PDP-Laban tungkol sa ipinadalang sulat nito kay Senate President Chiz Escudero na nagsasabing agad na simulan ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Pimentel, ang kaso nila sa Commission on Elections (Comelec) ay tungkol sa leadership ng partido at sa katunayan may tyansa pang mabaligtad ang desisyon dahil pinagdedebatehan pa ito sa Korte Suprema matapos nilang kwestyunin.

Giit ng senador, nasa mga dokumento pa niya ang PDP-Laban at hindi pa naman siya naki-kick out sa partido.

Katunayan, mismong si PDP-Laban Vice Chairman Alfonso Cusi na ang nagsabi sa kanya na hindi siya inalis sa partido kaya bakit ngayon ay aangal ang kabilang kampo sa paggamit niya ng pangalan ng PDP-Laban.

Dagdag pa ni Pimentel, ang PDP-Laban ang tunay niyang partido at ito ay itinaguyod ng kanyang amang si dating Senate President Nene Pimentel at kanya itong patuloy na binuhay hanggang sa panahon na magkakaso sa COMELEC.

Nilinaw rin ng senador na pumayag ang grupo niya sa PDP-Laban na gamitin ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ng Nacionalista para lamang sa purpose ng 2025 midterm elections.

Facebook Comments