
Itinanggi ni Senate President Chiz Escudero ang akusasyon ni Senator Risa Hontiveros na planado nila ang pagbabalik sa Kamara ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Escudero, makikita sa mga emosyon, init ng ulo, tagal ng pag-uusap at ilang beses na botohan na walang pagmamaniobra nangyari sa proseso.
Maaari aniyang sabihin ng sinumang senador ang kanilang mga nais sabihin pero malinaw na nakita sa impeachment proceedings na wala silang itinatago.
Ito rin aniya ang dahilan bakit ayaw niya ng “caucus”, dahil kapag sila-sila lang nag-usap na mga senator judges ay mas lalo silang aakusahan na may plano at itinatago.
Sinabi pa ni Escudero na tanging ang mga gigil lang sa impeachment ang siyang nagsasabing dine-delay ng Senate Impeachment Court ang proseso.