
Taliwas sa naunang impormasyon na naghahanda na ang Senado para sa posibleng pagtanggap ng kopya ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na walang anumang paghahandang ginagawa ang Mataas na Kapulungan tungkol sa impeachment.
Pagdidiin ni Escudero, hindi sila maaaring mag-assume o ipagpalagay ang isang bagay hangga’t hindi ito sigurado.
Paglilinaw pa ng Senate President, ang pahayag na ibinahagi ng staff ng Senate Public Relations and Information Bureau (PRIB) ay hindi niya awtorisado at hindi rin wasto.
Kanina ay kinausap ng Senate PRIB ang media tungkol sa posibleng pagtanggap ng impeachment complaint laban kay VP Duterte at sa posibleng scenario na gagawin sakaling makakakuha ng sapat na bilang ang Kamara na 1/3 na boto para mapatalsik sa pwesto ang bise presidente.
Sakaling mangyari ito ay isusumite ng Secretary General ng Kamara sa opisina ni Senate Secretary Renato Bantug ang articles of impeachment.
Lilimitahan naman sa inhouse staff ng Senado ang pagkuha ng video at larawan sa opisina ng Senate Secretary dahil maliit lamang ang opisina at para maiwasan na magkagulo.
Ang Senate Secretary naman ang may ministerial duty na tumanggap ng articles of impeachment at siyang magtu-turn over ng kopya sa Senate leadership.