
Ikinabahala ni House Committee on Dangerous Drugs at Quad Committee chairman, Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang matagumpay na pagkubra ng ransom ng mga dumukot at pumatay sa negosyanteng si Anson Que.
Para kay Barbers, maituturing na banta sa seguridad ang pag-launder ng ransom money gamit ang mga junket operator, e-wallet, at cryptocurrency platform.
Punto ni Barbers, makikita rito na inaabuso at sinasamantala ng mga magkakaugnay na mga sindikato ang kahinaan ng digital finance infrastructure ng ating bansa.
Mensahe ito ni Barbers, makaraang matukoy ng Philippine National Police (PNP) na ang ransom money ay dumaan sa dalawang junket operators, ang 9 Dynasty Group at White Horse Club, bago ito inilipat sa mahigit 10 e-wallets na pawang mga nakarehistro gamit ang pekeng pagkakakilanlan.
Kalaunan, ang mga pondo ay ginawang cryptocurrency, kaya nahirapan itong matukoy at mabawi.
Bunsod nito ay pinapahigpitan ni Barbers sa law enforcement agencies at mga financial regulator ang pagbabantay sa junkets, Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), at mga crypto transaction upang mapigilan na maging kanlungan ng transnational crime ang Pilipinas.