Sesyon ng Kamara, ipinagpaliban sa pagpanaw ni Cebu Rep. Raul del Mar

Nagpaabot na ng pakikiramay ang liderato ng Kamara sa pagpanaw kahapon ni Cebu Rep. Raul del Mar.

Sa mensaheng ipinadala ni House Speaker Lord Allan Velasco, ipinaaabot nila sa pamilya at sa mga constituents ang kanilang pakikidalamhati at panalangin para sa yumaong kongresista.

Ayon kay Velasco, naipakita ni Del Mar ang passion at commitment nito sa pagseserbisyo publiko sa loob ng siyam na termino bilang kongresista mula pa noong 1987.


Sa loob aniya ng 27 taon ay perfect attendance rin ang mambabatas at regular itong dumadalo sa mga sesyon at pagdinig.

Sinabi naman ni Majority Leader Martin Romualdez na hindi nito malilimutan si Del Mar dahil sa edad nitong 79 taong gulang ay hindi ito napagod na pagsilbihan ang kanyang mga kababayan kahit pa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ngayong hapon ay ipinagpaliban muna ng Mababang Kapulungan ang kanilang sesyon upang bigyang daan ang pag-alaala sa yumaong kongresista.

Facebook Comments