SHABU SHIPMENT | Whistle blower sa shabu smuggling nakatanggap ng banta sa kanyang buhay

365

Manila, Philippines – Inihayag ni BOC Deputy Collector for Passenger Concern Atty. Lourdes Mangaoang na nakakatatanggap na siya ng banta sa kanyang buhay mula nang isiwalat ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa at malayang paglabas nito sa kostudiya ng Bureau of Customs (BOC).

Ang banta aniya ay sa pamamagitan ng text messages at ang iba ay ipinararating sa kanya ng malalapit na kaibigan.

Paliwanag ni Atty. Mangaoang na mayroon na siyang nabalangkas na liham na isusumite sa Witness Protection Program o WPP ng Department of Justice (DOJ) anumang araw ngayong linggo.

Bagaman naniniwala aniya siya na walang dapat ikatakot sa pagsisiwalat ng katotohanan ay kailangan pa rin ang seguridad.

Muling nanindigan si Atty. Mangaoang na hindi niya sinabing sangkot si dating Customs Commissioner Isidro Lapeña sa mga magnetic lifters na pinalabas ng customs doon sa ginawa niyang presentation bilang resource person sa pagdinig ng mga mambabatas.

Ngunit nagtataka aniya siya kung bakit pilit siyang sinisiraan ng kampo ni Lapeña.

Facebook Comments