Isang malaking karangalan ang natamo ng mga estudyante mula Urdaneta City University (UCU) matapos mapili ang kanilang short film na “Addan To Latta” bilang opisyal na kalahok sa Department of Agrarian Reform (DAR) Central Film Festival 2025 sa kategoryang Agrarian Beneficiaries Organization.
Sa direksyon ni John Michael D. Evangelista, tampok sa pelikula ang kwento ni Rolly, isang magsasaka na muling binuo ang kanyang pangarap para sa kanilang kooperatiba sa kabila ng mga pagsubok.
Hango ang pamagat sa Ilocano phrase na “Addan To Latta” na nangangahulugang “magkakaroon din” o “may pag-asa,” na nagsisilbing inspirasyon para sa mga dumaraan sa hamon ng buhay.
Kabilang ang UCU entry sa 12 short films mula sa iba’t ibang unibersidad sa buong bansa na ipinakita ng DAR upang itampok ang kwento ng mga benepisyaryong agraryo at ang kanilang mga komunidad.
Noong Setyembre 27 inilabas sa official Facebook page ng DAR ang mga poster at teaser ng mga kalahok, kaya agad na bumuhos ang suporta ng mga Pangasinense sa obra ng UCU hanggang sa pagtatapos ng online voting noong Oktubre 3, bago ipahayag ang mga nagwagi sa darating na gabi ng parangal. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









