
Pinagpapaliwanag ng Land Transportation Office (LTO) ang mga may-ari ng passenger jeepney at dump truck na nagbanggaan sa Antipolo City at nag-viral sa social media.
Sa inilabas na Show Cause Order, inaatasan ng LTO na humarap ang mga registered owner kasama ang mga driver para mabatid ang tunay na detalye ng insidente.
Matatandaan na nitong araw ng Sabado nang mangyari ang aksidente sa Sumulong Highway sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo City kung saan umagaw ng linya ang humaharurot na jeep at nasalpok ang kasalubong na dump truck na bumangga naman sa isang e-trike.
Nabatid na siyam na katao ang nasugatan sa aksidente kabilang ang ilang estudyante.
Una nang sinampahan ng mga kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle ang driver ng dalawang sasakyan.