Show cause order laban sa alkalde ng Tuguegarao City, ilalabas ng DILG

864

Mag-iisyu ng show cause order ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa alkalde ng Tuguegarao City na si Mayor Jefferson Soriano.

Ito ay may kaugnayan sa lumabas na post ng anak ng alkalde sa social media kung saan nagdiwang pa umano ang alkalde ng kaniyang kaarawan sa kasagsagan ng nararanasang pagbaha sa lungsod.


Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, ang alkalde dapat ang nagsisilbing ama ng kaniyang nasasakupan kung kaya’t hindi nito pwedeng iwan ang mga ito para lamang sa selebrasyon.

Paliwanag naman ni Soriano, wala pang typhoon signal nang umalis ito sa lungsod at nagpaalam din siya sa pamahalaang panlalawigan.

Giit pa ng alkalde, nakatakda na sana siyang bumalik sa Tuguegarao noong Biyernes ng gabi pero hindi na ito nakatuloy dahil hindi na madaanan ang North Luzon Expressway.

Facebook Comments